totbabolsniginggang – pinabobong spelling ng ‘Thought Bubbles ni Ginggang.’
Himayin natin ang title:
Totbabols – eto yung mga callouts na makikitang ginagamit sa mga komiks to indicate na iniisip lang ng characters yung mga salita at hindi nila isinasaboses. Lahat naman siguro tayo nakakarelate dito.
Alam mo yung commercial ng Piattos kung saan binibigyan ng dialog ng dalawang babae yung dalawang lalaking magkatabi? Noong third year high schools kami, hobby ni Monmonichan na bigyan ng totbabols ang beloved pinsan niyang si ToooT! habang nakaupo siya from afar. Hobby naman namin nina Paupau at Karay na mawalan ng hininga noon dahil sa katatawa sa mga totbabols niya. Masaya siyang hobby lalo na kung bored ka dahil hindi pumapasok ang teacher niyo sa chem na adviser niyo pa man din o kaya ‘pag cancelled ang classes dahil binibigyan kayo ng time para mag-rehearse ng class presentation para sa English Week at ang hinihanda niyo ay isang song interpretation ng Phantom of the Opera na proud na proud kayo sa sobrang kagandahan ng pinaghirapan niyo tapos di rin naman kayo mananalo sa huli.
Sorry na. Nag-re-reminisce lang.
Nga pala, ang gusto ko lang namang sabihin dito ay ginawa ko ‘tong blog na ito upang may mapaglabasan ng mga bagay-bagay na madalas ay iniisip ko lang at hindi ko naisasaboses. Bale, ang blog na ito ang gusto kong tumayong Monmonichan na nag-bo-voice-out ng mga saloobin ko. Pwede ring kayo, mambabasa, ang magsilbing ako si Paupau at Karay na tagatawa (kung nakakatawa man ang mga mababasa niyo rito).
Ni – kung Pinoy ka, gets mo na kung anong silbi ng katagang ito. Pero kung hinde, oh well.
Ginggang – palayaw ko.
etymology: inggat [ing-gat]. Palayaw ‘yan na binigay sa ‘kin ng Nanay ko, bale lola ko talaga, noong kami’y magbakasyon sa probinsya many many years ago. Baby pa ‘ko nun. Tuwing umuuwi daw si Nanay galling farm paulit-ulit niya lang kinakanta ‘yung word na ‘Inggat’ para tawagin ako. Bilang utu-uto akong bata, lumalapit naman daw ako sa kanya at may pasayaw-sayaw pa!
Hindi ko na alam kung pa’no siya nag-evolve sa pagiging ‘Ginggang.’ Namalayan ko na lang yun na ang tawag sa ‘kin ng mga kabarangay namin. Dahil yata nauso yung kantang “Ginggang gooly gooly wachat. Ginggang goo! Ginggang goo!” na palaging kinakanta ng mga kababata ko pag ako’y napag-ti-tripan. Aminin, alam mo rin yan.
Ayun, basta pakiramdam ko ang baho-baho ng palayaw kong ‘yan kaya hindi ko siya ginagamit sa school. Maingat ang Mudra ko ‘pag ina-address niya ako sa school. Dapat Rubie. Dahil kung hinde, tinitingnan ko siya ng masama. Hanggang sa nasanay na nga rin ang mga tao na tawagin ako sa totoo kong pangalan. Tuluyan nang nabura sa eksena si Ginggang.
Hindi naman masama ang loob ko kay Nanay kahit siya ang dahilan ng ilan kong kahihiyan noong grade school. Totoo nga niyan, miss ko na siya at kasama sa prayers ko ngayon ay ang makapag-bakasyon kaming lahat sa probinsya next year. At upang ipakitang hindi nga masama ang loob ko, gagamitin ko ang palayaw na ‘yan dito sa blog. Kaya kayo din, pag-iaaddress niyo ko dito, tawagin niyo na lang akong Ginggang. Pero pag asa totoong mundo tayo…uhm… Rubie na lang ulit.